Monday, May 13, 2013

Nilalaro Ang Mga Larong Pinoy Sa Mga Lokal Na Kumpanya



Ang pagpapalakas ng samahan ng mga empleyado sa opisina ay mahalaga sa bawat kumpanya. Kaya naman puspusan ang paghahanap ng Human Resource Department (HRD) ng mga Team-Building Activities na makapapahusay ng samahan sa opisina.

Maraming kumpanya ang madalas mag-Team Building. At kadalasan sila ay nag-a-outing sa beach, o di kaya'y nagsasagawa ng sports fest. At kapag may sports fest, kadalasan, ang ginagawa'y basketball, volleyball, badminton, o di kaya'y track and field games. Masaya, at maganda ang resulta, dahil nabibigyan ang mga empleyado ng panahon upang mag-relax at magsama-sama ng labas sa trabaho.

Taon-taon ay naghahanap ng mga pakulo ang mga Human Resource Department's (HRD) ng bawat kumpanya ng aktibidades na maaring ilunsad para sa mga empleyado. Kailangang maging masaya at kung maari'y kakaiba, dahil kapag paulit-ulit ay nagsasawa ang empleyado --- at minsa'y ayaw na ring dumalo.




LARONG PINOY, GINAWANG TEAM-BUILDING ACTIVITY


Noong taong 2009, may mga kumpanyang naka-diskubre ng "lumang" laro na matagal nang hindi nalalaro ng mga taong may edad --- ang Larong Pinoy! Naisip ng mga HRD na subukang magsagawa ng Sports Fest na gamit ang mga Larong Kalye para sa mga empleyado. Nadiskubre ng mga HRD ang pangkat ng Magna Kultura Foundation (isang NGO) na nagsasagawa ng mga Larong Pinoy bilang mini-Olympics, at ito ay sinubukan nila.

Sa pag-anunsyo ng HRD na Larong Pinoy ang susunod na Sports Fest ng kanilang kumpanya, nakita nila ang mga bata at matandang empleyado na nabuhay sa tuwa. Isang buwan pa bago maganap ang palaro ay excited na ang lahat; puno ng sigla ang mga empleyado, nagmi-meeting at parang mga batang nagpa-practice. Sa opisina pa lamang ay buhay-na-buhay ang pagba-bonding ng lahat.

Matagal nang naghahanap ang HRD ng ganitong klaseng pakulo --- ang makapaglunsad ng pakulo na makakapag-Team Building at makakapag-palaro na masaya. 

At kung "challenging" na laro ang hanap ng mga empleyado, matinding aksyon at hamon ang kaharap nila sa Palarong Pinoy. Bawat laro ay kasing husay at minsa'y higit pa kaysa mga Western Olympic games. Hindi basta-bastang pambata ang mga laro: kailangan ng liksi, talas ng isip at "strategy" para manalo. Ang ginagawa ng mga empleyado ay humihirang sila ng Team Captains at Team Coach. Parang tutoong tournament!

Marami nang Pinoy ang muling nadidiskubre ang Larong Pinoy --- patintero, tumbang preso, siyato, atbp.  Mula taong 2010 hanggang sa kasalukuyan, mahigit 500 nang lokal na kumpanya ang nagsasagawa ng company sports fest na Larong Pinoy ang tema. 

Piniling laruin ng empleyado ang mga larong kalye kapalit ng madalas nilang nilalarong basketbol, volleyball, at western sports. Mas marami ang nakakapaglaro! At kahit ang ibang taong hindi naglalaro (na nanunod lang) ay hagalpak sa tuwang nakikita ang kapuwa empleyadong naglalarong parang mga bata.

At maganda din ang nagiging epekto sa kumpanya Larong Pinoy Sports Fest: nagiging Team Building, na nakakapagpalakas ng bonding ng bawat empleyado. Gaya ng mga larong kalye nung kabataan nila, ang mga empleyadong nakapaglaro ng Larong Pinoy ay nagiging parang "magkababata" --- kaya't lumalakas ang samahan sa opisina. At yung mga empleyadong dating hindi magkakilala ay nagkakabati-an na rin matapos palaro.

Marami nang kumpanya na ang nabibigyan Magna Kultura Foundation ng Larong Pinoy. Marami sa kumpanya ang umuulit, lalo na ang mga bagong tatag na kumpanya, dahil sa maikling panahon naidudulot nito ang magkaroon ng matibay na pagsasama ang bawat empleyado. Kahit bagong kumpanya ay parang matagal na ang pagsasama ng lahat --parang "magkababata" ang bawat isa.


BUHAY NA BUHAY ANG MGA LARONG PINOY

Kahit sa panahon ng makabagong teknolohiya at modernisasyon, buhay-na-buhay ang mga larong Pinoy. Dahil marami pa ring di nakakabili bg mg high-tech na laruan at computer, nilalaro pa rin ito ng mga bata sa mga lungsod at probinsiya.  Kahit minsanang nagpupunta sila sa mga internet shop, matapos maubos ang bente o kuwarenta pesos na pang-computer, sa labas pa rin ang takbo ng mga bata para maki-paglaro sa kapit-bahay.

Ngayong malaki na ang mga dating kabataan, at nagtatrabaho na sila sa opisina; maganda’t nalalaro pa rin nila ang mga kilalang laro sa pagkabata.  Napapatiling buhay ang tradisyon at diwang makabayan. Iba na nga lang ang kanilang mga kalaro, at pare-pareho na silang may edad.  Pero nandoon pa rin ang saya ng paglalaro.

Kahanga-hanga ang mga empleyadong na nakaka-isip na magbalik-tanaw sa mga tradisyunal na laro, at ipamahaging muli ito sa kanilang mga ka-opisina bilang palaro sa kanilang kumpaniya. Di lamang nila binubuhay ang mga laro, kundi pinalalakas ang samahan ng bawat isa sa opisina na parang magkababata. Matapos ang palaro, lalong nagiging masaya ang bawat isa.

Buhayin natin ang larong Pinoy.  Sa masayang paraan, gamitin natin itong daan upang buhayin ang diwang makabayan.  Balang araw, ang mga mamamayan (bata man o may edad) ay sasali sa liga ng lipunan.  Sa laro ng buhay, sila ay titindig bilang mga Pilipino sa mundo.